Monday, June 20, 2011

Cno po u, Dok Pepe? How old na u?


Mayroon akong suhetibong pananaw sa pagkabayani ni Gat. Jose Rizal, ngunit buong puso ko ring tinatanaw and kanyang kabayanihan.

Di ako avid fan ni Jose Rizal. Una, dahil ang pagdakila sa kanya bilang Pambansang Bayani ay may bahid ng kolonyal na oryentasyong pinilit ng mga Amerikano upang mapahupa ang anumang rebolosyunaryong pagkilos na sadyang hahadlang sa politikal na layunin ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas. Pangalawa, may pagkarepormista ang trip niya at dahil doon sabi ng iba nais niyang magpatuloy ang Espanya sa pagsakop ng Pilipinas bilang isang probinsiya.

Ngunit bayani ko pa rin si Dok Pepe. Sa pabula niyang "Ang Matsing at ang Pagong" natutunan ko ang kahalagahan ng pagsisikap at matalas na pag-iisip. Sa kuwento niya tungkol sa "Gamugamo at ang Ilawan", nabatid ko na tayo ay may mga nais sa buhay, na gugustuhin nating marating, kahit ano pa ang panganib.

Sa paglaon, sinariwa ng kanyang mga nobelang, Noli at Fili ang pagsisikap ng mga Filipino para sa Kalayaan. At ang iba pa niyang mga akda, tula, sulat at likha na nagpapakita ng kanyang pagmamahal sa bayan at sa kanyang natataning talino, para sa akin siya ay isang henyo.

Palikero iyan si Dok, sa lahat ng bansang napuntahan niya maraming mga babaeng napalapit sa kanyang puso. Gayundin, ang kanyang pagmamahal sa karunungan na matuto ng iba't ibang wika at maibahagi ang kulturang Pilipino sa lahat ng sulok ng mundo. Hindi nga lang lokal iyan si Dok, isa siyang global na Filipino. Pero sa huli, si Josephine lang daw ang minahal niya. Kontradiksyon ano, kasi hindi purong Filipina ang hilig niya.

Kung tutuusin, maraming mga magandang bagay ang makikita sa pagkatao, talento, wika, kaisipan at gawa ni Rizal. Kaya naman lahat ng Pilipino sa kanilang edukasyon ay dapat makilala siya ng lubusan. Makata, nobelista, skultor, kartonista, doktor, siyentipiko, lingwist, sosyolohiko, enhinyero, peryodista at marami pang iba. Sino sa mga bayaning Pilipino ang may higit na katangian sa kanya.

Dangan nga lamang katulad din ng iba, siya rin ay may mga kahinaan. Ngunit, dahil ang kanyang pilosopiya sa buhay at ang kanyang pagmamahal sa bayan ay humantong sa pagbubuwis ng sarili niyang buhay, ito ang rurok ng kanyang kabayanihan. Katulad rin ng mga rebolusyanaryong pinakipagsapalaran ang kanilang buhay sa laban, hinarap rin ni Rizal ang kamatayan sa gatilyo ng mga konkistador.

Dok Pepe, para sa akin isa kang Bayani! Wat-eber. Dahil ang mga aral sa buhay at gawa mo, ay nagpapatuloy na may kahulugan bilang haligi ng sambayanang Pilipino. Hapi bertday dok! Woooh! 150 years ka na, kaya party party na!

1 comment:

JennyO said...

O diba, bongga ang lolo mo. Haberday, Lolo Jose! :)